Pagpapahalaga sa Mga Pangyayari sa Iba't-ibang Yugto ng Pag-unlad ng Sinaunang Tao

ANG MGA SINAUNANG TAO

       Ang mga sinaunang tao ay kilala rin sa tawag na Prehistorikong Tao. Ang mga prehistorikong tao ay ang mga taong namuhay sa panahong hindi pa nasusulat ang kasaysayan. Ang mga prehistorikong tao ay namuhay sa Panahong Paleolitiko, Panahong Neolitiko at Panahon ng Metal.


PAGPAPAHALAGA SA MGA PANGYAYARI SA IBA'T IBANG YUGTO NG PAG-UNLAD NG SINAUNANG TAO

1. Panahong Paleolitiko

       Ang unang bahagi ng Panahong Bato ay tinatawag na Panahong Paleolitiko (Paleolithic Period) o Panahon ng Lumang Bato (Old Stone Age) na hango sa mga salitang Greek na palaios na ang ibig sabihin ay luma o matanda at lithos na ang ibig sabihin naman ay bato. Ang Panahong Paleolitiko ay naganap noong 500,000 BC hanggang 8,000 BC. Ito ang panahon kung saan may pinaka mahabang yugto sa kasaysayan ng katauhan. Nahahati ang panahong Paleolitiko sa tatlong bahagi: Mababang Paleolitiko, Gitnang Paleolitiko at Itaas na Paleolitiko.

Mga Pangyayari 

       Sa panahong ito, nadiskubre ang mga homo habilis na sinasabing unang anyo ng tao na gumamit ng kasangkapang bato. Ang mga sinaunang tao ay walang permanenteng tahanan kaya nanirahan sila sa mga yungib o kweba at naggagala sila upang humanap ng pagkain. Natutong mangisda at mangaso ang mga sinaunang tao. Natuto rin silang magpinta at umukit. Dito rin natagpuan ang isa sa mga pinakamahalagang yugto ng tao na si Lucy na isang Australopithecine. At ang pinaka mahalagang pangyayari sa Panahon ng Paleolitiko ay ang pagkadiskubre ng apoy. Ginamit nila ang apoy bilang pampainit ng katawan, panakot sa mga hayop at pangluto ng pagkain.

Pagpapahalaga sa Mga Pangyayari

       Maraming paraan upang mapapahalagahan natin ang mga ito. Una, huwag nating sisirain ang mga yungib o kweba na minsang tinirahan ng mga ninuno natin lalo na iyong may mga sining na ipininta o inukit nila sapagkat ito ang nagsisilbing alaala nila at ito ay simbolo na rin ng ating respeto sa kanila at sa kalikasan. Pangalawa, tumulong tayo sa pag-unlad o pag-lago ng paggamit ng apoy at huwag natin itong gagamitin sa mali o sa masamang paraan.

2. Panahong Neolitiko

       Ang huling bahagi ng Panahong Bato ay tinatawag na Panahong Neolitiko (Neolithic Period) o Panahon ng Bagong Bato (New Stone Age) na hango sa mga salitang Greek na neos na ang ibig sabihin ay bago at lithos na ang ibig sabihin naman ay bato. Ang Panahong Neolitiko ay naganap noong 10,000 hanggang 4,000 B.C.E. Ang Panahong Neolitiko ay tinatawag din na Rebolusyong Agrikultural sapagkat sa panahong ito ay natustusan na ang pangangailangan sa pagkain. Ito ay ginagamit sa arkeolohiya at antropolohiya upang italaga ang isang antas ng ebolusyong pangkalinangan o pagbabago sa pamumuhay at teknolohiya.

Mga Pangyayari 

       Sa panahong ito, natutunan ng mga tao ang sistematikong pagtatanim at pagsasaka na nagbunga upang magkaroon sila ng mga permanenteng tahanan. Natutunan din nila ang paggamit ng makikinis na kasangkapang bato, paggawa ng palayok at paghahabi. Dito natagpuan ang Catal Huyuk, isang Neolitikong pamayanan na matatagpuan sa kapatagan ng Konya sa gitna ng Anatolia na kilala na ngayon bilang Turkey. Sa Panahong Neolitiko rin sila natutong gumawa ng mga alahas, salamin, at kutsilyo. Natutunan din nila ang maglibing ng mga yumao sa loob ng kanilang bahay. Nadiskubre ang sistemang barter kung saan higit na naging maayos ang sistema ng palitan ng mga produkto ng mga tao. 

Pagpapahalaga sa Mga Pangyayari

       Mayroong iba't ibang paraan kung paano natin mapapahalagahan ang mga pangyayaring ito. Una, sa halip na sirain at abusuhin natin ang kalikasan ay dapat tumulong tayo sa pagpapa-unlad at pangangalaga nito sa kahit na anong paraan na kaya natin. Pangalawa, maaari tayong sumali sa mga aktibidad na nagpapakita ng pagpapahalaga sa ating kasaysayan tulad ng paggawa ng palayok at paghahabi. Pangatlo, sa halip na gumawa o bumili tayo ng mga alahas at kagamitan na  makabago ay dapat gumawa o bumili tayo ng mga alahas at kagamitan na nagsisimbolo at nagbibigay respeto sa ating kasaysayan.

3. Panahon ng Metal

       Ang Panahon ng Metal (Metal Age) ay nahahati sa tatlo. Una, ang Panahon ng Tanso na naganap noong 4000 BC sa Asya, 2000 BC sa Europa at 1500 BC sa Ehipto. Pangalawa, ang Panahon ng Bronse na naganap noong 2000 BC. At pangatlo naman ang Panahon ng Bakal na naganap noong 1500 BC.

Mga Pangyayari 

       Sa Panahon ng Tanso ay nalinang nang mabuti ang paggawa at pagpapanday ng mga kagamitang yari sa tanso. Naging mabilis ang pag-unlad ng mga tao dahil sa tanso. Ang mga sinaunang tao ay unang natutong gumamit ng metal na tanso o copper. Ang tanso ay higit na matigas kaysa sa ginto at ito ay nahuhulma sa iba't ibang hugis. Madalas nilang gamitin ang tanso upang gumawa ng mga alahas at upang magpanday o gumawa ng mga kagamitang pangdigmaan. 
      
       Sa Panahon ng Bronse ay natutunan nila ang paghahalo ng tanso at lata o tin upang makagawa ng higit na matigas na bagay. Natutunan din nila ang paggawa ng espada, palakol, kutsilyo, punyal, martilyo, pana, at sibat. Sa panahong ito ay natutunan ng mga sinaunang tao kung paano magsimula ng kalakalan sa mga karatig-pook at palengke. 

       Sa Panahon ng Bakal naman ay natuklasan ng mga Hitite, isang pangkat ng mga Indo-Europeo na naninirahan sa Kanlurang Asya noong dakong 1500 B.C.E., ang bakal. Natutunan nila kung paano magtunaw ng bakal at magpanday ngunit matagal nila itong pinanatiling lihim kaya madalas silang manalo noon sa mga digmaan. Nang lumaon ay lumaganap na rin ang paggamit ng bakal sa iba pang kaharian.

Pagpapahalaga sa Mga Pangyayari

       Maraming paraan upang mapahalagahan natin ang mga pangyayaring nasabi. Una, gamitin natin ang metal sa paggawa ng bagay o kagamitan na makakatulong sa pag-unlad ng ating ekonomiya. Pangalawa, gamitin natin ang metal upang gumawa o bumuo ng bagay na maaaring sumimbolo at magbigay respeto sa ating kasaysayan at kalikasan. Pangatlo, mas pagbutihin o mas palaguin pa natin ang layunin o gamit ng mga metal tulad ng tanso, lata, bakal, at bronse.

Para sa iyo, paano mo mapapahalagahan ang mga pangyayari sa Panahon ng Paleolitiko, Panahon ng Neolitiko at Panahon ng Metal?